Saturday, April 21, 2012

Bagong modus sa taxi: LAMBUTCHINGAN SABAY HOLDAP

source: abante.com.ph


“Akala ko magsyota, holdaper pala ang mga walanghiya!”

Ito ang himutok ng isang taxi driver nang dumulog sa himpilan ng pulisya upang i-report ang nangyaring panghoholdap sa kanya ng dalawang suspek sa Marikina City kahapon ng madaling-araw.

Sa kanyang salaysay sa imbestigador, sinabi ni Ronald Rivera ng East Rembo, Makati, na naisakay niya ang mistulang magkasintahan sa Market! Market!, Taguig na nakiusap magpahatid sa Marikina City.

Ayon sa driver, hindi siya kinutuban ng masama dahil sa unang tingin ay mahirap umanong pagdudahan ang relasyon ng dalawang pinaghihinalaan na pareho pang umupo sa likurang bahagi ng kanyang Colt taxi na may plakang UPC-794, bandang alas-tres ng madaling-araw.

“Nakaakbay pa nga ‘yung lalaki sa kasama niyang babae, kaya hindi talaga pagkakamalan na may iba silang motibo,” pahayag ng tsuper.

Pabiro pang sinabi ng complainant na sa tingin niya ay galing sa motel ang dalawa dahil kapwa nagbubulungan at nagbubungisngisan pa ang mga ito habang umaandar ang taxi.

Gayunpaman, nangyari ang hindi inaasahan nang biglang magdeklara ng hold-up ang lalaki na armado ng baril pagsapit sa Panorama St., SSS Village, Barangay Concepcion-2, Marikina City.

Ipinahayag ng taxi driver na dahil sa matinding takot at pagkabigla, hindi na siya pumalag at ibinigay sa magkasintahan na holdaper ang P2,500 na kanyang kinita sa buong magdamag na pamamasada.



source: abante.com.ph

No comments:

Post a Comment