Wednesday, March 16, 2011

Talentado by Arnold Clavio



Kung sino ka man na nagpakalat ng mapanlokong “text message” noong Lunes, sana sa iyong pag­ligo ay may acid nga ang lumabas na tubig.

Nakakangitngit at nakakagalit ang pagiging manhid ng nasa likod ng “text hoax”. Sa gitna ng pagdadalamhati ng marami sa nangyaring delubyo sa Japan ay nagawa mo pang manloko.


Ginamit mo pang hinayupak ka ang BBC, isang respetadong news agency sa UK, eh ‘yun pala ay “Bagong Baryo Caloocan”. Tsismis lang.


Sa totoo lang, ayon sa mga eksperto, malabong mangyari na magkaroon ng epekto ng “radiation leak” mula sa nuclear power plant sa Fukishima, Japan.


Unang-una ang hangin ay papuntang America at Canada. Mananatili ang ganitong takbo ng hangin hanggang Mayo. Ang Pilipinas ay nasa ibaba ng bansang Japan.


Kung sakali man mabago ang ihip ng hangin, ayon pa sa mga eksperto, wala ring grabeng epekto kung makakarating man ang ulap na may “acid rain”.


So kung sino mang tukmol ka mahiya ka naman!!!


“BNPP”


Uminit na naman ang usapin sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) matapos maganap ang pagsabog ng mga reactors sa planting nukleyar sa Fukishima, Japan.


Pasok na naman ang pulitikal na usapin ng planta at natabunan ang buting idudulot nito sa nakararami, tulad ng dagdag na kuryente at murang singil nito.


Sa bansang Japan, sa nuclear plant sila nakadepende sapagkat ayaw nilang matali sa mga multi-national oil company.


Halos 300 plantang nukleyar mayroon sa buong mundo at maliban sa Chernobyl sa Russia at itong pangyayari sa Japan, wala nang iba pang napaulat na grabeng pinsala.


Ang BNPP, ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ay ligtas sa anumang banta ng lindol. Iba rin ang konstruksiyon nito kung ikukumpara sa planta ng Japan.


Kung banta ng tsunami ang pag-uusapan, mula sa Bagac ay inilipat ang BNPP sa Morong na kung saan mataas ang “elevation”.


Makakabuting pag-aralan itong maigi kaysa mamuhay tayong takot.


Sabi nga, kung bawat kahol ng aso ay titigil tayo sa ating paglalakbay hindi tayo makakarating sa ating pupuntahan.


Lord, Kayo na po ang bahala.

source: abante

No comments:

Post a Comment