Isa ka bang tibobos? Naranasan mo na bang maupasala? Baka naman minsan ay nagpasumala ka kaya kinaiinisan at hindi ka nila pinipintakasi?
Hindi mo ba na-gets ang mga salitang nabanggit? Ang mabuti pa, lagi mo lang bantayan ang iyong kaniig upang hindi ka maparawal at baka mapapunta ka sa dunggot kung saan mayroon kang kalamas.
Ilan lamang ang tibobos, mausapala, nagpasumala, pinipintakasi, kaniig, naparawal, dunggot at kalamas sa mga itinuturing na klasikong salitang Tagalog na binigyan ng kahulugan sa isang bago at pinagaang na diksyunaryo.
Anluwagi – karpintero; Tumawag ka ng anluwagi para maayos ang sirang bintana
Ang naturang Diksyunaryong Tagalog na may 96 pahina ay inilunsad noong nakaraang linggo sa Manila International Book Fair sa Mall of Asia. Ito ay nilimbag ng Katha Publishing company sa pakikipagtulungan ng Goodwill Bookstore.
Nangamote sa sariling wika
Sa edad na pito, nagawang isulat ng ating pambansang bayani na si Dr Jose Rizal ang kanyang unang tula na may pamagat na Sa Aking mga Kabata. Sa naturang tula, inilahad ni Rizal na "ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."
Ayon sa mga naglapat ng kahulugan sa mga salita sa bagong diksyunaryo na sina Angelita G. Gonzales, Maria Lourdes S. Lim at Lolita P. Vargas, mismong ang may-ari ng Goodwill Bookstore na si Gng. Marites Cancio Suplico ang nagmungkahi na gawin ang bagong diksyunaryo.
Tibobos - nilalang o tao; Isa kang tibobos na dapat maging mapang-unawa
Paliwanag ni Gng. Suplico, tubong Batangas at Bicol, mismong ang anak niya na nag-aaral sa pribadong paaralan ay nagtatanong ng ilang salitang Tagalog na hindi rin niya alam ang kahulugan.
“Hindi ba nakakahiya naman na Pilipino tayo, hindi natin alam ang meaning ng mga salita sa klasikong Tagalog. Minsan nagagamit pa ng mga kabataan ngayon ang ilang salita na hindi naman nila alam na masama pala ang kahulugan," paliwanag pa niya.
Dahil dito, kinausap ni Suplico ang kaibigang si Vargas na siyang nakipag-ugnayan kina Gonzales at Lim upang lumikha ng bagong diksyunaryo na ang lalamanin ay mga klasikong salitang Tagalog na madalas naririnig ngunit sa tingin nila ay marami ang hindi nakakaalam ng kahulugan.
Upasala - pag-alipusta; Ang upasala na ipinakita niya sa dukhang magsasaka ay hindi dapat tularan
Bukod dito, ang isa pang misyon ng tatlong may-akda ay gawin itong magaan at maaaring mabitbit ng mga gagamit kahit saan sila magpunta – lalo na ang mga kabataan.
“Marami sa mga diksyunaryo kasi ubod ng kapal kaya hindi rin madala ng mga bata sa eskwelahan. Tapos mahirap pang hanapin sa pahina ang salitang nais nilang malaman ang kahulugan," paliwanag ni Gng. Suplico.
Sa pagsusuri nina Gonzales, Lim at Vargas, lumitaw na maraming malalim na salitang Tagalog sa mga aklat na Noli Me Tangere, Ibong Adarna, Florante at Laura, at El Filibusterismo ang dapat mabigyan ng paliwanag at maipaalam sa mga tao ang kanilang kahulugan.
Natuto rin
Sa loob ng tatlong linggo na pagsasalin o pagbibigay-kahulugan sa mga klasikong salita na ginawa ng tatlong may akda, sinabi ni Lim na maging sila ay muling natuto sa mga malalim na salita ng mga Tagalog.
Dunggot - dulo; Iyan na ang dunggot ng mahabang daan.
“Kahit kami naka-relearn sa kahulugan ng mga malalim na salita. Kaya inaasahan ko na sa pamamagitan ng diksyunaryo na ito ay higit nating mauunawaaan ang mga klasik na libro. Maliit lang na gawain ang aming ginawa pero batid namin na may malaking maitutulong ang munting diksyunaryo na ito," paliwanag ni Gng. Lim.
Kuwento naman ni Gng. Gonzales sa mga mag-aaral sa segundarya ng St. Scholastica's College Manila na dumalo sa paglulunsad ng bagong diksyunaryo, nasaksihan niya mismo ang paghihirap ng kanyang mga estudyante pagdating sa kanilang aralin sa Filipino.
“Nakita ko ang pagpapawis ng aking mga mag-aaral kapag nandoon na kami sa talasalitaan. Hirap sila na mabigyan ng mahabang salita ang kahulugan ng salita at ‘pag gagamitin sa pangungusap halos ayaw ko silang tingnan," ayon kay Gng. Gonzales, na nagsalin sa Tagalog ng literaturang Ibong Adarna noong 1987.
Kalamas – kaaway; Kalamas ng isang OFW ang lungkot
“Ang Ibong Adarna ay ginawa ko noong 1987 at hanggang sa kasalukuyan kumikita pa ang libro. At napag-alaman ko na ang pera ay wala pala sa pagtuturo kundi sa pagsusulat. Kasi ang isinulat mo maigsi man o mahaba, matagal na gagamitin ng kabataan hanggang sa pagtanda," paliwanag ni Gng Gonzales na dating propesora.
Pasumala - pagbati na wala sa loob; Pasumala ang ibinungad niya sa kasintahan na ikinatampo nito.
At sa harap ng modernong teknolohiya kung saan patuloy na yumayabong ang wikang Filipino katulad ng mga nakasaad sa text, hindi pa rin maikakaila na mananatili ang mga klasikong salitang Tagalog na dapat maunawaan ng kasalukuyan at mga darating na henerasyon.
Dahil katulad ng kasaysayan, ang mga klasikong salitang Tagalog ay mananatiling nakaukit sa ating mga Pilipino kahit lumipas ang maraming panahon.
source: gma
Thursday, March 3, 2011
Klasikong Tagalog sa bagong diksyunaryong Pinoy
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment