Tinamaan ng “month’s worth” o pang-isang buwang radiation ang crew ng aircraft carrier na Ronald Reagan na papunta sa Japan para sa isang humanitarian mission, ayon sa report ng The New York Times.
Hindi tinukoy ng naturang pahayagan ang nakapanayam na government official na nagsabing sumagasa sa mismong radioactive cloud na nilikha ng napinsalang nuclear reactors ng Fukushima Dai-ichi nuclear power plant habang pumapasok sa teritoryo ng Japan kung saan sila magsasagawa ng humanitarian mission, kasama ang rescue operations.
Sa loob lang ng isang oras ay naka-absorb ang mga crew nito ng “month’s worth of radiation”.
Bukod pa rito, isang US helicopter na nasa isang ‘flying mission’ naman sa layong 96 kilometro ng hilagang bahagi ng sumabog na reactor ng Fukushima ang nabalot ng radioactive dust na agad din namang hinugasan.
Ang dalawang insidenteng ito ay patunay umano ng presensya ng radioactive material sa hangin na hatid ng mga pagsabog sa naturang nuclear plant.
Kahapon ay isa pang hydrogen explosion ang nangyari sa pasilidad ng unit 3 reactor ng Dai-ichi plant.
Katulad umano ito nang nangyaring explosion sa unit 1 reactor noong Sabado sa nasabi ring planta sa Fukushima.
Kinumpirma ng Tokyo Electric Power Co. (TEPCO), may-ari ng naturang planta, na 6-katao ang nasaktan sa ikalawang pagsabog. Mahigit 1,500-katao na rin ang na-scan para sa posibleng radiation exposure.
Ngunit tinitiyak naman ng Japanese government at ng TEPCO na walang panganib ng radiation leak dahil hindi naman napinsala ang “inner containment vessel” nito na kinalalagyan ng nuclear rods.
Maging ang radiation level sa buong pasilidad ay nasa “legal limits” umano, base sa naging ulat ng Nuclear and Industrial Safety Agency (NISA) ng Japan sa atomic watchdog ng United Nations (UN) na IAEA (International Atomic Energy Agency).
Sa kabila nito, 210,000-katao na sa 20-kilometrong radius mula sa planta ang inilikas na habang nagkukumahog ang Japanese government sa pagharang sa pinangangambahang nuclear meltdown, lalo pa’t nag-o-overheat na rin ang ikatlong reactor (unit 2) ng Dai-ichi plant. Planong mag-inject ng seawater sa naturang reactor upang palamigin ito.
source: abante
Tuesday, March 15, 2011
RESCUERS NADALE NG RADIATION SA JAPAN
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment