Wednesday, April 6, 2011

10 Pinoy nurse human shield sa Libya



source: abante


Kinalampag kahapon ng Filipino migrant rights group ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa ulat na 10 Pinay nurses diumano ang hawak ngayon ng mga rebeldeng puwersa sa Libya at ginawang ‘human shield’.




Sa ulat umanong ti­nanggap ng Migrante International mula sa mapagkakatiwalaang source sa Libya na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil sa takot na malagay sa alanganin ang kanyang buhay, ang 10 umanong Pinoy nurses ay na-trap sa pinakamalaking ospital sa Misurata at ginawa nang hostage ng mga rebeldeng puwersa sa Libya.


Ayon pa sa source ng Migrante, una umanong ginamit at ginawang human shield ng mga rebelde ang Pinoy nurses nang magsagawa ng atake ang puwersa ni Libyan Leader Moammar Gadhafi.


Nakipag-ugnayan na rin umano ang Migrante sa mga magulang ng ilan sa mga hostage na Pinoy nur­ses kung saan ay nabatid na mag-iisang buwan nang hindi makontak ng mga ito ang kanilang mga kaanak.


Bukod sa mga naipit na Pinay nurses, kinumpirma rin ng source ng Migrante na nasa 3,000-4,000 Pinoy workers pa ang na-trap sa Tripoli taliwas sa ulat ng DFA na mas piniling manatili ng mga ito sa nasabing bansa.


Ang impormasyon o ang pag-hostage at paggamit bilang human shield sa mga Pinay nurses ay kinumpirma rin ni Fr. Allan Acebuche ng San Francisco Catholic Church-Caritas na nakabase sa Tripoli, Libya.


Labis na rin ang pa­ngamba ng pari sa kalagayan ng mga Pinoy sa Misurata lalo’t halos 20-araw nang putol ang linya ng komunikasyon doon.


Ayon naman sa DFA, ipapaberipika nito ang ulat sa embahada sa Tripoli upang maibigay ang anumang kakailanganing tulong kung may katotohanan ang balita.

source: abante

No comments:

Post a Comment