Thursday, May 19, 2011

PACQUIAO NI-KNOCKOUT NI LAGMAN

source: abante


Mistulang na-knockout ng mga argumento at katwiran ni House minority leader Edcel Lagman si Pambansang Kamao at Saranggani Rep. Manny Pacquiao nang mag-debate ang mga ito hinggil sa Reproductive Health (RH) bill kagabi sa Kamara.

Ganito inilarawan ng ilang mambabatas ang debate nina Lagman at Pacquiao na nagtagal ng 30 minuto dahil bawat bitaw ni Pacquiao na tanong ay nasusupalpal ito ng beteranong mambabatas.

Ang boksing kahapon sa Kamara: Pacquiao versus Lagman. (Art Son)

Nakakaawa siya (Pacquiao). Feeling ko kanina, kinain siya nang buhay ni Cong. Edcel. Knockout na knockout,” pahayag ni Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus.


Sinisi ni De Jesus ang mga taong nasa likod ni Pacquiao na posibleng nagsubo ng mga tanong na binasa ng boksingerong kongresista dahil lumalabas na hindi updated ang mga ito sa kalagayan ng RH bill.


Maging sa Kabataan partylist Rep. Raymond ‘Mong’ Palatino ay nanghihinayang kay Pacquiao dahil inilantad umano siya ng kanyang mga advi­ser sa isang sitwasyon na hindi dapat nangyari.


Sayang. Sana hindi muna siya pinagsalita. Nakatikim tuloy siya ng knockout,” pahayag ni Palatino na nagsabing sa simula ng debate ay pinagkumpulan ang Pambansang Kamao subalit habang tumatagal ay nag-alisan na ang mga mambabatas na sumusuporta sa kanya.


Bago ang debate, nasa tabi niya lahat ng kanyang supporters pero isa-isang nag-alisan sa floor,” ani Palatino.


Sa isang banat ni Pacquiao, tinira nito ang RH bill dahil hindi umano ito sagot sa kahirapan kaya iminungkahi nito gumawa na lamang ng batas na sasagot sa problemang ito.


Subalit ayon kay Lagman, ang isa sa mga solusyon sa kahirapan ay ang RH bill.


Nang tanungin ni Pacquiao kung bakit sa House committee on population and family relation ipinasa ang RH bill sa halip na ang Committee on health, nakatikim na ng supalpal ang Sarangani solon.


“Yan po ay academic discussion na. That’s moot and academic na sapagkat nasa plenaryo na tayo.

Kung nakinig tayo sa sponsorship speech sa ating magiting na chairman ng committee on population and family relation,” ani Lagman.


Muling nakatikim ng tila bigwas si Pacquiao na tanungin nito ang usapin hinggil sa two child policy na nakakaloob aniya sa RH bill dahil sa posibleng darating ang panahon na kukulang ng work forces o manggagawa ang Pilipinas.


Ang ating sagot, ang isang polisya kapares ng RH bill, ay walang demographic target, walang nakasulat dito sa ating panukala na, wala ho,” ani Lagman at hindi gagawing polisya ang two child policy tulad ng pagkakaunawa ni Pacquiao.


Lalong nalamog si Pacquiao nang tanungin nito ang Section 30 sa panukala na nagsasaad ng pondo dahil natatakot ito na madagdaggan ang buwis na babayaran ng mga tao para pondohan ang panukalang ito sakaling maging batas.


Sa tingin ko lalong magpapahirap sa ating mamamayan dahil kailangan ang malaking budget para dito sa RH bill” ani Pacquiao.


’Yan ang tanong na ‘yan ay nasagot ko na kahapon. ‘Yan po ay tanong ni Honorable Amado Bagatsing,” ani Lagman subalit pinagbigyan si Pacquiao sa kanyang tanong kung saan nilektyuran pa niya ang Saranggani solon.


Muling naulit ang panunupalpal ni Lagman kay Pacquiao na ulitin nito ang isang pang tanong ni Bagatsing hinggil sa Section 16 ng panukala na nagsasaad ukol sa sex education na isinusulong sa panukala.


“Nasagot ko na rin ‘yan kahapon sa tanong ni Congressman Bagatsing,” ani Lagman pero nagpaliwanag pa rin ito.


Halatang hindi na nagustuhan ni Lagman ang sumunod na tanong ni Pacquiao ukol sa nakasaad sa Section 21 ng panukala na “employers responsibility”.


Sa palagay ko, nu’ng amendments hinggil sa probisyong ito, pinadala namin sa committee on population and family relation at pinag-usapan sa plenary. Nag-eensayo ang magiting na congressman d’un sa laban kay Mosley, hindi po niya nalaman na itong probisyong ito ay amended na. Wala na po diyan, tinanggal na,” ani Lagman.


Nakaiskor si Pacquiao sa huli, nang mapaamin nito si Lagman, hindi pa tuluyang natanggal ang penalty sa mga employer na hindi susunod sa batas subalit tinapos na nito ang kanyang pagtatanong.

source: abante

No comments:

Post a Comment