source: abante
Isang parte ng bungo ni terror leader Osama bin Laden ang sumambulat makaraang tumagos ang isang balang pumasok sa itaas na bahagi ng kaliwang mata nito.
Hanggang kahapon ay nagdadalawang-isip ang US government kung iri-release sa publiko ang litrato ng duguang bangkay ng napaslang na founder ng terror network na al-Qaeda at deklaradong US enemy no.1 matapos ang September 11 World Trade Center (WTC) twin attacks sa New York City noong 2001.
Gayunpaman, walang kaduda-duda ang Estados Unidos na si bin Laden nga ang napatay na terorista base sa isinagawang DNA testing na halos 100% nag-match, photo analysis ng Central Intelligence Agency (CIA) at “confirmation on site” ng isang babaeng nasugatan at naaresto sa raid na pinaniniwalaang isa sa mga asawa ng nasawi.
Ang maselang operasyon na isinakatuparan ng US Navy SEAL Team Six ay tumagal lamang umano ng 40 minuto.
Nabatid na dalawang dosenang miyembro ng elite team na ito ang tinapik ni US President Barack Obama para magsagawa ng naturang “raid with surgical accuracy”.
“Officially, it was a kill-or-capture mission since the US doesn’t kill unarmed people trying to surrender.
But it was clear from the beginning that whoever was behind those walls had no intention of surrendering,” anang ulat ng Associated Press (AP) habang kino-quote ang dalawang US officials.
Madaling-araw ng Lunes nang lumipad ang unang pares ng helicopter sa Jalalabad, silangang bahagi ng Afghanistan at gamit ang sopistikadong teknolohiya ay nakapasok ang mga ito sa teritoryo ng Pakistan nang hindi nasasagap ng radar system ng naturang bansa.
Maingat na nakalapag ang mga SEALs sa compound nang walang anumang putukang narinig pero sa pagtapak ng mga ito ay umalingawngaw na ang palitan ng putok at nakitang bumagsak ang isa sa apat na helicopter.
Ang bawat hakbang ng buong operasyon ay napanood at na-monitor ng CIA at White House “in real time”. Hindi matiyak kung sa pamamagitan ng “live satellite feed” o sa video camera na naka-attach sa helmet ng mga SEALs.
Mabilis na sinecure ang mga pamilya ni bin Laden sa ikalawa at ikatlong palapag. Matapos ito ay tinumbok ang kuwartong kinaroroonan nito kung saan nagkaroon ng maiksing palitan ng putok.
“Geronimo (code ng SEALs kay bin Laden) has been killed in action,” ayon sa isang US official.
Sa detalyeng inilabas kahapon ng US isang US official, napag-alamang nagsimula ang pagkakatunton sa kinaroroonan ni bin Laden sa Abbottabad, Pakistan sa isang tawag sa telepono na tinanggap ng courier at trusted aide ni bin Laden na si Sheikh Abu Ahmed, isang Pakistani na pinanganak sa Kuwait.
Napatay sa operasyon kamakalawa si Ahmed at isang kapatid nito.
Taon ang binilang bago nalaman ng CIA ang tunay na pangalan ni Ahmed at taon din ang binilang bago ito natiyempuhan sa naturang phone call. Mula noon ay tinutukan na ito hanggang sa matukoy ang kuta ni bin Laden sa gitna ng residensyal na komunidad sa Pakistan, 100 metro lamang ang layo mula sa isang military school.
Ang pagbibitaw ng tatlong salitang “it’s a go” ni Obama ay itinuturing na “gutsiest” decision nito lalo pa’t walang ibang kongkretong pinanghahawakan ang operasyon kundi ang impormasyong naroon nga sa residential mansion ang ‘most wanted’ ng mundo.
source: abante
No comments:
Post a Comment