Wednesday, May 4, 2011

Kanang-kamay ni bin Laden sa Al Qaeda, kinilala


source: abs-cbn


Sa pagkamatay ng lider ng Al Qaeda na si Osama bin Laden, inaasahang ang papalit sa kanya ay ang kanang-kamay niyang si Ayman Al-Zawahiri.

Isang Egyptian at surgeon si Al-Zawahiri na graduate sa Cairo University.

Sa kabila ng pagiging maykaya sa buhay ng kanyang pamilya, maagang napasama sa mga extremist si Al-Zawahiri at naging miyembro ng banned na Muslim Brotherhood sa edad na 15.

Inugnay din si Al-Zawahiri sa pagpatay kay dating Egyptian President Anwar Sadat noong 1981.

Naging tanyag si Al-Zawahiri nang pamunuan niya ang Egyptian Islamic Jihad, isa sa pinakamarahas na grupo ng mga terorista, noong early 1990s.

Ayon sa mga ulat, nagkakilala sina Al-Zawahiri at bin Laden noong huling bahagi ng dekada 80.

Ito ang mga panahong sinusuportahan ni bin Laden ng rebaelyon sa Afghanistan laban sa mga nananakop na Soviet.

Si Al-Zawahiri, na Red Crescent volunteer para sa mga sugatan sa digmaan, ang gumamot din diumano kay bin Laden matapos ang bakbakan ng mga Soviet sa kabundukan ng Afghanistan kung saan sila nagkukuta.

Taong 1998, tuluyan nang nagsanib puwersa sina Al-Zawahiri at bin Laden para itatag ang Al Qaeda na naghasik ng terorismo sa iba't ibang parte ng mundo kabilang na ang malagim na 9-11 attacks sa Estados Unidos noong 2001.

Isinasangkot din si Al-Zawahiri sa pambobomba sa US embassies sa Tanzania at Kenya noong 1998, pag-atake sa Egyptian embassy sa Islamabad noong 1995 at nasa listahan din siya ng “FBI Most Wanted Terrorists.”

Ang tanong ngayon, magiging mas brutal ba si Al-Zawahiri kaysa kay bin Laden?

source: abs-cbn

No comments:

Post a Comment