source: abs-cbnnews
Kaka-graduate lang ng high school ni Mary sa Ramon Magsaysay High School.
Excited na raw sana siyang magkolehiyo pero hindi ito matutupad ngayon. Hindi kasi kayang bayaran ng kanyang pamilya ang mataas na matrikula.
“Hindi ko pa matanggap ngayon na ganoon. Sobrang hirap namin,” sabi ni Mary.
Wala namang magawa ang nanay ni Mary sapagkat wala rin siyang trabaho.
“Sobrang hirap ng buhay namin. Lalo na ang asawa ko walang trabaho,” sabi ni Rowena, nanay ni Mary.
Ayon sa Commission on Higher Education o CHED, sa halos 2,000 kolehiyo at unibersidad sa bansa, 282 ang magtataas ng tuition sa pasukan.
Ang average increase sa NCR ay nasa 7.2% o P72 per unit.
Sa 10 units, halos P800 ang average increase sa tuition.
“Kailangang madagdagan ang sahod ng kanilang mga guro at ibang kawani. Kailangan din nilang ayusin ang kanilang mga facilities, mag-upgrade ng mga equipment,” sabi ni Atty. Julito Vitriolo, CHED executive director.
Sa NCR, halos 70 kolehiyo at unibersidad ang magtataas ng tuition sa lahat ng level.
Kabilang dito ang St. Luke's College of Medicine na tataas ng 12%.
Tataas naman ng 3-5% ang tuition sa UE College of Medicine, Ateneo de Manila University at Ateneo Graduate School of Business, De la Salle University, Assumption College, Miriam College, OB Montessori, UST at UE Manila.
Siniguro naman ni CHED chairperson Patricia Licuanan na hindi magtataas ang lahat ng state universities at colleges sa buong bansa.
Para sa National Union of Students of the Philippines, hindi pa rin ito sapat.
“Ano bang plano ng ating government eh 80% na ho ng mga college students ang mga nag-drop,” sabi ni Einstein Recedes, presidente ng National Union of Students of the Philippines.
Hindi pa kasama rito ang mga tulad ni Mary na hindi na tutuntong sa kolehiyo.
Maghahanap daw muna siya ng trabaho sa isang fast food chain para makaipon.
source: abs-cbnnews
No comments:
Post a Comment