Sunday, April 10, 2011

OIL SUBSIDY LALAMUNIN NANG BUO



source: abante


Hindi pa man napapasakamay ng mga operator at driver ng jeep at tricycle ang bigay na ‘oil subsidy’ ng gobyerno sa anyo ng smart cards, kinukutuban na ang transport sector na lalamunin ito nang buum-buo ng ayaw paawat na pagsirit ng oil prices sa bansa.

Kahapon ay kinumpirma ni Energy Undersec. Jose Layug ang namumurong panibagong pagtaas ng oil prices sa bansa dahil sa pagpalo ng presyo ng krudo sa world market sa $4 hanggang $5 kada bariles.


Ngunit hindi pa matukoy kung magkano ang posibleng itaas bagama’t ipinahiwatig ng opisyal na maaaring ito’y mas mataas sa 25¢ kada litro na siyang itinaas ngayong linggo.


Sa pinakahuling paggalaw ay hindi apektado ang presyo ng diesel at kerosene.





Sa kasalukuyan ay naglalaro na sa pagitan ng P45-46 kada litro ang presyo ng diesel habang nasa pagitan ng P56-57 kada litro ang presyo ng gasolina.


Agad namang pumalag ang Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa anunsyong ito ng Department of Energy (DOE) at sinabing hindi pa man bumabagsak sa kamay nila ang ipinagmamalaking discount card ng gobyernong Aquino ay nilusaw na ito ng hindi mapigilang oil price hike.


Sinabi pa ni Piston secretary general George San Mateo na posible umanong umabot sa P1.27 hanggang P1.29 kada litro ang itaas ng mga produktong petrolyo ngayong linggo. Dito pa lang ay kinain na umano ang P1.15 kada litrong subsidy na ibibigay pa lang ng pamahalaan sa kanila.


Sa gitna naman ng pangamba ng marami na maging ang mga hindi karapat-dapat ay makinabang sa smart card ng Pantawid Pasada program ng Aquino government, sinabi ni Bayan Muna partylist Teddy Casiño na sinisiguro umano ng Malacañang at ng DOE na hindi makakakuha ng oil subsidy ang mga kolorum.


Nabatid na ipapamahagi ang smart card sa pamamagitan ng opisyal na talaan ng mga prangkisa ng Land Transportation Office (LTO). Sa mismong mga lehitimong operator na nasa LTO list ibibigay ang mga P1,050 smart card na gagastusin sa loob ng isang buwan at sila na ang bahalang mamigay nito sa kanilang mga tsuper.

source: abante

No comments:

Post a Comment