Thursday, April 7, 2011

DOH: Mga kaso ng HIV-positive, pabata nang pabata



source: abscbn


Ayon sa National Epidemiology Center ng DOH, may 159 na bagong HIV-positive na Pilipino ngayong Pebrero 2011.

Beynte-dos porsyento ang inakyat ng bilang na ito kumpara sa Pebrero noong 2010.

Mahigit 90% sa bilang na ito ang lalaki, at mas marami ang mga heterosexual, o tuwid na lalaki, kaysa sa mga homosexual, o binabae.

Sa mga naging paraan ng pagkakahawa, halos lahat ay mula sa pakikipagtalik.

Isa lang naman ang dahil sa pagkakasalin ng infected na dugo; at mahigit sa kalahati sa bilang na ito ay mula sa National Capital Region. Ang 12% ay mga OFW.

Nakatatawag-pansin ang estadistika pagdating sa edad ng mga kamakailang nahahawahan ng nakamamatay na sakit.

Sa 159 na bagong kaso noong Pebrero, ang median age ay 24-taong gulang, na ang ibig sabihin ay may mga kaso ng pagkakahawa sa mga batang 15-taong gulang lamang.

Sa nakaraang limang taon, ang average na edad ng nagiging HIV-positive ay 36 na taong gulang.

Si Jerico ay HIV-positive mula noong 2005. Siya ay 36 na taong gulang ngayon.

Pinamumunuan niya ang grupong Pinoy Plus, na kumakalinga sa mga HIV-positive at biktima ng AIDS na siyang may pinakakumpletong impormasyon ng mga kaso ng sakit na ito sa bansa.

Siya mismo ay nababahala sa pag-akyat ng kaso ng HIV sa Pilipinas gayon din ang pagdami ng mga nagkakasakit na ayon sa kanya ay pabata nang pabata.

"'Yung behavior nila (mga batang biktima)... Ang mga kabataan ngayon masyadong ma-explore in terms of sex... Ang bilis matuto sa technology. May advantage siya, at the same time, may disadvantage. Once na may na-meet sila o may nakilala sila through social networking, magm-i-meet sila. Then 'yun na, they engage (on) sexual contacts," ani Jerico.

Si alyas “Sammy” ay 22-taong gulang at HIV-positive.

Nalaman niyang siya ay may sakit pala nang sinubukan niyang mag-donate o magbenta ng dugo.

"Dahil nga po noon, naging promiscuous ako, naging mapusok ako. Wala pong assurance kung kanino o kailan nakuha," aniya.

Ayon sa DOH, maaaring dahil sa maagang pagkamulat sa seks, kakulangan ng kaalaman sa HIV, ganoon din ang pagkaka-expose ng mga bata sa social networking kaya pabata nang pabata ang nagkakasakit ng HIV.

Hindi maingat na pakikipagtalik pa rin ang pangunahing dahilan nito habang muli nilang pinabulaanan na mayroong mga kaso ng aksidenteng pagsalin ng dugo na HIV-positive sa mga pasyente.

Sa ngayon ay mahigit 6,300 na ang naiuulat na HIV-positive at kasong may AIDS sa bansa.

Sa katapusan ng 2010, ang bilang na ito ay halos dumoble mula sa taong 2009.

source: abscbn

No comments:

Post a Comment