source: abs-cbnnews
Nahuling humaharurot at nag-o-overtake ang Toyota Fortuner na ito na may plakang “8” sa may Commonwealth Avenue.
Pagmamay-ari diumano ito ni DIWA party-list Representative Emmelene Aglipay pero hindi siya nakasakay nang mahuli ito ng Metropolitan Manila Development Authority dahil sa overspeeding.
Huli rin ang isa pang SUV na ito na may plakang “8” na nag-swerve pakaliwa at nag-cut sa iba pang motorista.
Kabilang ang dalawa sa 118 na nahuli dahil sa overspeeding ngayong araw.
“Walang pinipili. Lahat po ay ina-apply natin ang traffic laws and rules kahit po sino,” sabi ni MMDA Chair Francis Tolentino.
Tila walang epekto sa mga driver ang pinaigting na kampanya ng MMDA dahil sa sunud-sunod na aksidente roon.
Isang jeep ang nangbangga pa ng isang MMDA traffic enforcer kanina nang subukan itong pahintuin dahil sa overspeeding.
Warak ang uniporme at nagtamo ng ilang galos ang enforcer.
“Doon pa lang sa pagbaba ng Tandang Sora, doon pa lang pinipitik na ako,” sabi ng traffic enforcer.
Naghain naman ng mosyon para sa agarang pagpapalabas ng arrest warrant ang Quezon City Police District para simulan na ang isang nationwide manhunt kay Daniel Espinosa, ang driver ng bus na pumatay sa journalist at UP professor na si Chit Estella Simbulan.
Maging ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police ay magpapakalat na rin ng tauhan dito sa Commonwealth.
Bibigyan sila ng Department of Transportation and Communications ng awtorisasyon para magbigay ng ticket sa mga lalabag sa batas trapiko.
source: abs-cbnnews
No comments:
Post a Comment