Friday, May 6, 2011

Nestle, pina-recall ang Maggi beef at chicken noodles


source: abs-cbn


Sa pamilihang ito sa Makati, dali-daling tinanggal ang mga produkto mula sa eskaparate kaninang hapon nang dumating ang sulat mula sa Nestle Philippines.

Pina-recall ng Nestle ang lahat ng Maggi beef at chicken noodles sa buong bansa matapos matuklasang kontaminado ng salmonella ang pampalasa ng dalawang nasuring batch ng beef noodles.

Nagulat ang ilang mamimili.

“Siyempre na-shock ako, nangilabot nga ako nang makita kong pinupull-out niyo ‘yong Maggi,” sabi ng isang mamimili.

“Ay dapat lang, kung talagang may ganoong problema dapat i-pull-out,” sabi naman ng isa pa.

Ayon sa Nestle Philippines, sa higit 900 kahon ng Maggi na kontaminado, 600 ang na-pull out na.

Ang iba, nasa iba't ibang tindahan na diumano ay posibleng nabili na.

Gusto pa rin ng kompanyang bawiin ang lahat produkto para makasiguro..

“The safety and the health of our consumers are very, very important. We do not want to take chances,” sabi ni Edith De Leon, senior vice president for corporate affairs ng Nestle Philippines.

Ayon sa World Health Organization, nagdudulot ng lagnat, pananakit ng tiyan, pagtatae, pagkahilo at pagsusuka ang salmonella kapag nakain.

Tumatagal umano ang sakit ng hanggang 7 araw at kusang guamagaling.

Sabi ng Nestle, madaling mapatay ang salmonella kung lulutuin nang mabuti ang pagkain.

“The microorganism is destroyed by heat. Boil the cake for 3 minutes, continuous boiling and then patayin mo. And then that's when you add the flavorings,” sabi pa ni De Leon.

Pero sa mga gustong makasiguro, puwedeng ibalik ang mga nabiling Maggi noodles at magkaroon ng refund.

Maaaring tawagan ang mga hotline ng Nestle o dumiretso sa pinagbilhang tindahan.

Itinigil na muna ng Nestle ang produksyon ng Maggi rich mami noodles habang iniimbestigahan ang sanhi ng kontaminasyon.

source: abs-cbn

No comments:

Post a Comment