source: abs-cbn
Isa sa mga supplier ng pagkain sa New Bilibid Prisons si "William."
Kuwento niya: Sa bawat P50 na budget kada araw sa pagkain ng isang inmate, hindi bababa sa P5 kada inmate ang umano'y kickback ng pamunuan ng NBP.
Ibig sabihin: Sa bawat preso, P45 pesos na lang kada araw ang pilit pinagkakasyang budget para sa pagkain.
"Nasa-sacrifice 'yung quality ng kinakain ng inmate," aniya.
Sa tala ng Love Foundation ng NBP, umaabot sa halos 40,000 ang bilang ng inmates doon.
Sa P5 sa bawat inmate kada araw, aabot ang umano'y kickback ng pamunuan ng NBP sa P6 milyon kada buwan, o P72 million kada taon.
Sumbong pa ng impormante: Para makuha ang kontrata, aabot sa P500,000 hanggang P5 milyon ang lagay umano ng supplier sa mga opisyal sa NBP -- maging ang mga nasa bid and awards committee.
"Kailangan mong magbigay ng advance fee for you to win it," sabi ni William.
Ayaw nang humarap ng naka-leave na si NBP Director Ernesto Diokno sa kamera.
Itinanggi naman niyang may tinanggap siyang kickback mula sa budget ng pagkain ng mga preso.
Todo-tanggi rin si dating NBP director Ricardo Macala na may tinanggap siyang kickback.
"Para makaiwas, gumawa ako ng mga measures na makatutulong para maproteksyunan ang mga pagkain," ani Macala.
Nanindigan naman ang impormanteng si William na nakasalalay sa laki ng lagay imbes na sa sarap at sa presyo ng pagkain ang pagbibigay ng kontrata ng pagkain sa NBP.
source: abs-cbn
No comments:
Post a Comment