Monday, April 18, 2011

Saksak kay Pilar tumagos sa baga


source: abante


Kinumpirma kahapon ng attending physician sa The Medical City ng beteranang aktres na si Pilar Pilapil na isang vital organ nito ang inabot ng saksak na kung hindi umano naagapan ay posibleng naglagay sa kapahamakan sa buhay ng biktima.

Ito ang sinabi sa isang press conference ni Dr. Raymond Resurreccion na kasamang humarap sa mga mamamahayag ang kapatid ni Ms. Pilapil na si Leo, kahapon ng umaga.

Ayon kay Dr. Resurreccion, isa sa mga tinamong tama ng saksak ni Ms. Pilapil ay sa kaliwang kilikili na tumagos sa kaliwang baga na naging dahilan upang malagay sa peligro ang buhay ng aktres matapos na magresulta sa tinatawag na partial collapsing ang baga nito at ngayon ay tiniyak naman na nalusutan o nalagpasan na ng biktima ang panganib.

Bukod sa bahagyang tinamaan ang baga ay nagtamo rin umano ng mga saksak sa leeg, mukha at braso ang 60-anyos na si Pilapil.

Idinagdag pa ng doktor na malaking bagay at nakatulong ang agarang pagkakalagay ng paunang lunas sa aktres nang dalhin agad ito sa Antipolo Me­dical Center bago mabilis na inilipat sa The Medical City sa Pasig City.

Nabatid na nagkunwa­ring patay ang aktres kaya’t tinantanan na ito sa pagsaksak ng mga suspek at saka itinapon sa isang matalahib na lugar sa Antipolo City.

Kaugnay nito, tiniyak ni Dr. Resurreccion na maayos at out of danger na si Pilapil, at posib­leng makalabas na pagkaraan ng isang linggo at binabantayan ito ng kanyang anak na si Pia, at partner na si Bernie Penas.

Ayon kay Leo, talagang hinahangaan niya ang pagiging fighter ng kanyang kapatid dahil sa kabila umano ng tinamong mga saksak nito sa katawan ay nagawa o pinilit pa rin nitong tumayo at humingi ng tulong.

Matatandaang dakong alas-11:00 ng gabi nitong Biyernes nang matagpuan si Pilapil na duguan sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan sa Piedra Blanca Subd., Bgy. San Luis, Antipolo City.

source: abante

No comments:

Post a Comment