source: abs-cbnnews
Agad ininspeksiyon ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology ang selda ni Jason Ivler sa Quezon City jail.
Ito'y matapos lumabas ang mga litrato at video ng umano'y paglabag ni Ivler sa mga kalakaran sa kulungan.
Ilan dito ang pagpa-party at pagdadala umano ng babae sa selda. Agad itong pinasinungalingan ni Ivler.
“Walang katotohanan iyan. Lahat ng inmates dito may fair and equal treatment,” sabi ni Ivler.
Hindi rin daw kuha sa selda ang kanyang pakikipag-inuman.
“Pinapalabas nila na dito kinuha ang picture pero sa laya pa iyon bago pa ako nagkaroon ng kaso,” dagdag pa ni Ivler.
At ang mga babae raw sa litrato, mga pinsan at tagahanga niya.
“Mga dumadalaw sa akin halos pamilya lang eh,” depense ni Ivler.
Dinepensahan din niya ang kontrobersyal na pahayag ng ina na ibibigay ang anumang pabor para sa kanya, kahit pa sex.
“Kung ano man ang ibinebentang treatment doon, kahit sex pa iyon, kung gusto ng anak ko, I’ll pay for it,” pahayag ni Marlene Aguilar-Pollard.
“If given the opportunity, if I was really that desperate, as a loving mother, that is something that she would provide,” sabi naman ni Ivler.
Pero may isang video pang kuha sa loob ng selda na tila inaaya ni Ivler ang sinumang nais makipag-sex sa kanya.
Kaya naman lalong iginiit ni Undersecretary Renato Ebarle Sr. na maimbestigahan ang Quezon City jail.
“Ang management natin na tinatawag na Bureau of Jail Management ay mukhang walang management,” giit ni Ebarle.
Buwelta naman ni Marlene kay Ebarle: “Para sa kalusugan niya, para mabawasan siya ng timbang, mag-sparring kami dito. Suntukan na lang.”
Samantala, na-relieve na si Quezon City jail warden Senior Superintendent Hernan Grande para sa patas na imbestigasyon ng BJMP sa reklamo.
source: abs-cbnnews
No comments:
Post a Comment