Barado sa mga kongresista ang lahat ng diskarteng ginagamit ngayon ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na pinaniniwalaang ‘last minute’ na pagsisikap nitong makahulagpos sa namumurong paglusot sa Kamara ng impeachment case laban sa kanya at tuluyang pag-akyat nito sa Senado.
Unang sinupalpal kahapon ang diumano’y “paagrabyado” statement ni Gutierrez na hindi umano siya binigyan ng tsansang magpaliwanag ng mga kongresista sa kinakaharap na dalawang impeachment complaints ng mga grupong Akbayan at Bayan.
Merci nagpaliwanag sa publiko --- Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumantad sa isang forum sa Kapihan sa Sulo Hotel si Ombudsman Merceditas Gutierrez para ibigay ang kanyang panig ukol sa mga isyung nakapulupot sa kinakaharap na impeachment case. (Mike Taboy)
Ayon kay House justice committee chairman Niel Tupas Jr., hindi na bebenta ang alegasyong ito ni Gutierrez dahil alam umano ng buong bansa na naging maluwag sa kanya ang komite subalit imbes na harapin ang kanyang kaso ay tumakbo ito sa Korte Suprema.
“Ilang beses nang ipinatawag ng committee on justice si Madamme Ombudsman pero hindi siya dumadalo. Naging maluwag ang committee sa kanya ngunit hindi pa rin siya sumisipot,” ani Tupas.
Maging si House Deputy Speaker Erin Tañada ay nagsabing wala sa posisyon si Gutierrez na akusahan na hindi patas ang komite sa kanya.
“Hindi totoo (na hindi binigyan ng tsansa). Binigyan namin ang Ombudsman ng pagkakataon ng ilang beses pero hindi ito pinansin. Pinagbigyan namin siya na magpakita noong Marso 3, pero sabi ng abogado niya (Atty. Anacleto Diaz), hindi siya dadating. Ayaw niya sundan ang rules of impeachment ng Kamara,” ani Tañada.
Unang nagpadala ang komite ng notice kay Gutierrez noong Nobyembre 17, 2010 para sagutin ang reklamo matapos ideklarang ‘sufficient in form and substance’ ang kaso.
Gayunpaman, ikinatuwiran ni Gutierrez noon na nasa Korte Suprema ang usapin kaya naghintay aniya ang Kongreso hanggang sa ibaba ng Kataas-taasang Hukuman ang ‘go signal’ sa Kongreso noong Pebrero 15, 2011.
Muling nagpadala ang komite ng notice kay Gutierrez noong Pebrero 22, matapos magdesisyon ang komite na ituloy na ang impeachment proceedings dahil na-lift na ang status quo ante order ng SC.
Saka lamang nagpadala ng abogado si Gutierrez sa pamamagitan ni Atty. Diaz noong Marso 2, 2011 kung saan hiniling ng kampo ng Ombudsman na bigyan sila ng hanggang Marso 8, 2011 para sagutin ang reklamo.
Gayunpaman, hindi na ito pinagbigyan ng komite dahil mismong si Tupas na ang nagpasok ng “general denial” para kay Gutierrez noong March 1 hearing kaya isinalang na sa botohan sa “sufficiency on grounds of the impeachment” kung saan nanalo sa botohang 41-12 para sa unang reklamo habang 42-12 naman sa ikalawang reklamo.
Sa isa pang hirit ni Gutierrez na magre-resign lamang siya kung magbibitiw din sa public office ang lahat ng opisyal na mayroong nakabinbing kaso, tinawanan lamang ito ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares sabay sabing naghahanap na lamang ng damay ang nakokorner na Ombudsman.
“On Ombudsman’s statement that she will only resign if other public officials with pending cases do so.
Resignation is the prerogative of Ombudsman or the public officials. It is their call regardless of guilt or innocent,” ani Colmenares.
Hindi umano dapat igaya ni Gutierrez ang kanyang sarili sa mga public officials na may pending case dahil unang-una, ang opisina nito (Gutierrez) ang may kasalanan kung bakit hindi umuusad ang nasabing mga kaso.
“Ano siya, sinusuwerte? Eh kasalanan niya kung bakit hindi umuusad ang kaso sa kanyang office against public officials,” pahayag ni Colmenares.
Sa kabilang dako, ang pagbuhay naman sa kaso ng ama ni Rep. Tupas na si dating Iloilo Gov. Neil Tupas Sr. ay pinapalagay na isa ring diskarte ng Ombudsman para yanigin ang mga mambabatas.
source:
Sunday, March 6, 2011
LAHAT NG DISKARTE NI MERCI BARADO
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment