Saturday, March 12, 2011

QUAKE SA JAPAN




Isa sa pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ng Japan ang tumama kahapon sa northeastern coastline nito na agad sinundan ng higanteng 10-metrong taas na tsunami na lumamon sa mga istruktura at tuma­ngay sa mga kotse at inland ship sa Sendai, Miyagi Prefecture.




Ang mega earthquake na nasukat sa magnitude na 8.9 ay nag-iwan ng malaking pinsala sa main Honshu island at maging sa lungsod ng Tokyo, ayon sa lokal na pulisya doon.


Isinusulat ang balitang ito ay mahigit 90-katao ang kumpirmadong nasawi at daan pa ang nawawala.


Sa isang helicopter footage ay kitang-kita kung paano nilamon ng 33-talampakang taas ng tubig ang Sendai City, tangay ang mga shipping containers, mga nakadaong na maliliit na sasakyang pandagat, mga kotse at trak at mga istruktura. Isang oil refinery din ang nagliyab malapit sa Tokyo matapos ang malakas na pagyanig.


Umabot din sa mismong airport ng Sendai ang lampas bahay na alon at nilubog ng malaking baha ang buong runway nito.

Ilang kongkretong parte ng paliparan ang natunaw dahil sa prosesong tinatawag na “liquefaction” na idinudulot ng matinding uga ng lupa sanhi ng tremor.


Sa kabisera mismo ng Japan, milyong katao ang naglabasan sa lansangan mula sa nagtataasang mga building na idinuyan ng napakalakas na lindol. Sa pagkagat ng dilim ay daang-libo pa rin ang stranded sa mga kalsada dahil sa suspensyon ng operasyon ng mga tren na pangunahing transportasyon sa naturang bansa.


Malaking bilang naman ang nasaktan sa pagguho ng bubong ng gusali kung saan idinadaos ang isang graduation ceremony nang maganap ang pagyanig.


Mahigit 20 nang aftershocks ang naitala hanggang sa isinusulat ang balitang ito kung saan ang pinakamalakas ay naitala sa magnitude 7.4.


“An earthquake of this size has the potential to generate a destructive tsunami that can strike coastlines near the epicentre within minutes and more distant coastlines within hours,” ayon sa Pacific Tsunami Warning Center.


Kaugnay nito, 20 bansa sa rehiyon ng Pacific Ocean ang agad nagbaba ng tsunami warning sa kani-kanilang teritoryo, kabilang dito ang Pilipinas.


Isa sa unang napaulat ay ang pamamaga ng karagatan sa isang baybayin ng Russia na umabot sa taas na isang metro.

source: abante

No comments:

Post a Comment