Saturday, March 26, 2011

AZKALS SA ELITE 8! Dinurog ang Bangladesh, 3-0


source: abante
May anghel na dumapo sa field ng Aung San Stadium sa Rangoon, Myanmar kagabi para gabayan sa liwanag ang Philippine football team Azkals.


Matagumpay na pumasok sa Elite 8 ang Azkals nang dominahin ang Bangladesh, 3-0, sa huling pagsalang sa isang linggong AFC Challenge Cup group stage.


Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo ay nakapasok ang bansa sa main draw na gaganapin sa susunod na taon.


“The game-plan was put into action and it worked perfectly,” ayon kay Azkals German coach Hans Michael Weiss, na may dalawang panalo, da­lawang draw at isang talo sapul nang hawakan ang tropa noong Enero.


Hindi man gaanong makaintindi ng Tagalog at makasabay sa wikang Ingles para makipagkomunikasyon sa kanyang mga tropa, naintindihan naman ni 6-foot-3 Fil-Spanish midfielder Angel Guirado Aldeguer ang pa­ngangailangan ng Azkals sa panalo sa pagpasak ng dalawang goals sa second half.


Inambag ni Alde­guer ang kanyang kauna-una­hang goal bilang Azkal sa kanyang 55th minute header mula sa corner kick ni James Younghusband at follow-up sa hat trick ni Ian Araneta na sinundan pa ng 20-yard strike mula sa labas ng box para sa panelyong puntos sa ika-80 minuto.


“I’m overwhelmed with the win… we made history today,” sambit ni team manager Dan Palami.


Iniskor ni Araneta ang pambungad na goal sa 41st minute nang tanggapin niya ang loose ball mula sa nasupalpal na atake ni Guirado. Ito ang unang goal ni Araneta sapul nang makatatlo siya (21, 41, 57th minute) sa 5-0 masaker kontra Timor Leste sa AFF Suzuki Cup qualifier Oktubre noong isang taon sa Laos.


Tumapos ang Azkals sa ikalawang posisyon sa group stage sa likuran ng Palestine. Base sa point system ng torneo ang panalo ay may katumbas na tatlong puntos at isa naman sa draw. Ang top two teams ang aabante sa Elite 8.


Humugot ang Palestine ng kauna-unahang come-from-behind win sapul nang sumali sa FIFA noong 1998 nang gulatin ang host team, 3-1.


Ang Palestine ay may kabuuang pitong puntos mula sa dalawang panalo, kasama ang 2-nil pagkaldag sa Bangladesh noong Lunes at isang tabla. Nasa likuran ang Azkals na may limang puntos, Bang­ladesh (tatlo) at Myanmar (isa).


Matapos ang dalawang tabla kontra Myanmar (1-1) at Palestine (0-0), kinuha rin ng PHL booters ang inaabangang tagumpay. Huling nanalo ang Azkals noon Peb. 9 sa Panaad Stadium sa Bacolod City kontra Mongolia qualifying tie ng Challenge Cup.


Kabilang sa mga nakapasok na sa Elite 8 ang India at Turkmenistan sa Group B at ang Group C pair ng Maldives at Tajikistan.


Hindi nakasalang sa huling laro ng Azkals si Rob Gier dahil kinailangan nitong umuwi sa England upang samahan ang nanganak niyang asawa.

source: abante

No comments:

Post a Comment