source: abs-cbnnews
Dito sa Santiago City huling nabalitaan ng pamilya Villanueva na pumunta si Hillarion Villanueva, ang asawa ng nabitay na si Sally Ordinario, 3 araw na ang nakakalipas.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa ito umuuwi sa kanilang bahay sa Jones, Isabela at hindi nila alam kung nasaan na siya kaya't ganoon na lang ang tensyon ng mag-anak kanina nang kumpirmahin ng Bise Presidente na nabitay na sa China si Sally.
Hanggang sa huling minuto, umasa ang pamilya Villanueva sa isang himala na maililigtas ang buhay ni Sally.
Ang kanyang biyenan na si Isabel, paminsan-minsan ay napanghinaan ng loob at napapaiyak na lang sa isang sulok.
Kuwento ng hipag ni Sally na si Terry, hindi sila nakatulog nang maayos kagabi sa kakaisip kay Sally at sa kapatid na si Hillarion na 3 araw nang hindi umuuwi dahil daw sa pangungulila sa asawa.
Umalis diumano si Hilarion para magtrabaho upang maibsan ang kakaisip kay Sally.
Ang 2 anak nina Sally at Hillarion, ipinaubaya raw muna nila sa ibang kamag-anak.
“Alam na nila na ganyan ang mangyayari sa asawa nila. Kaya ipinapasyal para malibang sila,” sabi ni Terry, hipag ni Sally.
Kaya't nang ianunsyo sa telebisyon ang pinangangambahan nila, nanlumo na lang ang pamilya Villanueva.
Si Terry, natulala at biglang pumunta sa kapitbahay at doon ibinuhos ang emosyon.
Habang si Isabel, tahimik na tinanggap ang balita noong una pero hindi na rin kinayang kimkimin pa ang emosyon.
Nang mahimasmasan ang magkakamag-anak, umapela na ang magkakapatid na umuwi na sana si Hillarion para hindi raw siya nag-iisa sa pagluluksa.
Sa ngayon, pilit pa ring hinahanap ng pamilya Villanueva si Hillarion.
Sinubukang hanapin ng ABS-CBN Regional News Group at pinuntahan ang bus company na pinagtatrabahuhan umano ni Hillaron pero hindi nila nahanap doon si Hillarion.
Ang tanging hiling na lang ngayon ng pamilya Villanueva ay umuwi na lang itong si Hilarion kung nasaan man siya lalo’t ngayong wala na raw si Sally, iniisip daw nila kung sino ang magsasabit ng medalya sa kanilang anak na ga-graduate na salutatorian sa susunod na linggo.
Noli De Castro: Ang 2 anak, alam mo ba, Jeff, kung nalaman na nila ang nangyari?
Jeff Canoy: Tinanong natin iyan, Kabayan, pero hindi tayo diretsahang sinagot ng mga kamag-anak. Ang paulit-ulit nilang sinasabi ay ilang linggo na raw nakatatak ang petsang ito sa kanilang mga utak at talagang inaasahan nila na ngayong araw mamamatay ang kanilang ina.
Ang ginawa nga ng pamilya ngayon ay ipinasyal at ibinigay sa ibang kamag-anak muna silang 2 para hindi masyadong matadtad ng balita tungkol sa nangyaring pagbitay.
source: abs-cbnnews
No comments:
Post a Comment